Nagising na naman si Ares sa isang bangungot na matagal na niyang tinatakbuhan. Walang nagbago, tumatakbo pa rin siya sa isang bagay na hindi niya mawari kung ano. Hindi niya alam kung anong bagay ang maaari niyang takbuhan sa kanyang panaginip. Ang alam lang niya, nanlilimahid na pawis ang palaging bumubungad sa kanyang hubad na katawan tuwing siya ay magigising.
Kumuha ng maligamgam na tubig si Ares mula sa mumurahing lalagyan. Mabilis niyang nilagok ang tubig na para bang may humahabol pa din sa kanya. Napaupo siya sa upuan malapit sa kanyang kama. Hindi niya akalaing patapos na siya ng pag-aaral. Pinadala siya sa Maynila ng kanyang mga magulang upang kumuha ng kurso sa kahit anong bagay na kanyang nais. At matapos ang tatlong taon, nasa huling taon na si Ares sa kanyang piniling kurso, Fine Arts.
Habang nakatitig sa kawalan, dagundong na katok ang narinig niya sa kanyang de kahoy na pintuan. Matagal-tagal na ring nanirahan sa isang paupahan si Ares sa puso ng Maynila. Naisip niyang walang matinong tao ang kakatok ng sobra-sobra sa oras na alas tres y media ng umaga. Halong kaba at pagtataka ang naramdaman niya ng tumayo siya at buksan ang pintuan. Gulat na gulat siyang bumungad sa kanya ang kanyang matalik na kaibigan na si Poy. Hindi magandang sabihin na may itsura si Poy. Bilang anak ng isang artista at kaklase ni Ares, si Poy ang pantasya ng maraming kababaihan. Matikas, matalino at walang kasing bait si Poy. Naging matalik silang magkaibigan ni Ares dahil sa isang insidente noong sila ay nasa unang taon pa lamang. Sabihin na lang natin na simula noon, hindi na mapaghiwalay ang dalawa. Lalo pang nagtibay ang pagkakaibigan nilang dalawa noong iniwan ng kasintahan niya si Ares, si Rizza.
Ngunit ng gabing iyon, si Poy ang mukhang problemado. Halatang-halata na ni Ares ang kalasingan ni Poy mula sa amoy ng kanyang katawan. Hindi mawari ni Ares kung bakit naglasing ng ganoon si Poy. Halos alam ni Ares ang lahat ng gawain ni Poy, at wala doon ang paglalasing. Masugid na pinapasok ni Ares si Poy sa kanyang maliit na paupahang kwarto. Binuksan ni Ares ang air-conditioner para maibsan ang kainitan na dulot ng kanyang pagtitipid at ng hiya na naramdaman ng dumating si Poy.
Pinahiga ni Ares si Poy at agad na binigyan ng tubig. Nagmamadaling kumuha si Ares ng tuwalya mula sa kanyang cabinet habang dumadaing si Poy.
"Dude, bakit ganun? Ang hirap pala maging masaya!"
Hindi maintindihan ni Ares si Poy, agad na lamang niyang pinunasan ito ng mainit na tuwalyang inihanda niya. Agad na tinanong ni Ares,
"Anong problema mo, dude? Bakit ka naglasing?"
Daing lang ang narinig na sagot ni Ares habang pinupunasan niya ito. Walang magawa si Ares kundi tanggalin ang checkered polo na suot ni Poy...
Itutuloy?
ITUTULOY! ANDON NA EH
ReplyDelete